Buhay Tsuper masayang nagdaos ng maagang Christmas Party

Written by Admin
  • Pinterest

Photo by SkyLeer Perez (Facebook)Photo by SkyLeer Perez (Facebook)

Masaya at matagumpay na nagdaos ng maagang Christmas Party ang mga kasapi ng Buhay Tsuper Doha Qatar (BTDQ) ngayong araw (December 8, 2017) sa Al Liwan Hotel na ginanap mula 10:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon na dinaluhan ng mahigit 50 mga kasapi at bisita. Bagamat simple lamang ang programa, naging masaya naman ito dahil na rin sa tradisyonal na exchange gift at mala-pyestang kainan. 

Ang Buhay Tsuper ay naitatag noon pang 2012 sa ibang bahagi ng GCC, kasama na dito sa Qatar, subalit noong 2015 lamang ito nabigyan ng recognition ng Philippine Embassy, bilang isa sa mga aktibong Filipino community sa Qatar at nasa umbrella ng United Filipino Organizations in Qatar (UFOQ). Binubuo ang nasabing organisasyon ng mga Filipina drivers sa Qatar at umaabot na ang kanilang myembro ng mahigit 150, bagamat 'yong iba umano ay nakauwi na sa Pilipinas. 

Ayon kay Corazon Salino (founder ng organisasyon) at Mary Jane Perez - ang kasalukuyang Pangulo ng BTDQ, ang pagkakatatag ng organisasyon ay base sa kanilang adhikaing palakasin ang kanilang sektor sa pamamagitan ng pagdadamayan ng bawat kasapi. Isa umano sa programa ng Buhay Tsuper ay ang pagbibigay ng financial assistance sa bawat myembrong may pangangailangan, ayon sa priority procedure ng kanilang samahan. Nagkakaroon din sila ng mga seminar patungkol sa mga batas trapiko, nang sa gayon ay ma-update sila about sa mga latest na traffic rules. 

May ginagawang outreach programs din ang Buhay Tsuper katulad ng pagbibigay ng tulong sa mga distressed OFWs na nasa pansamantalang pangangalaga ng POLO. 

Pinuri naman ni Ka Ressie Fos, Pangulo ng Bayanihan ng Manggagawa sa Konstruksyon ng Qatar (BMKQ) at dating presidente ng UFOQ ang mga opisyal at kasapi ng Buhay Tsuper. Aniya, napakalaking bagay umano ang pag-organisa nila ng kanilang hanay, upang palakasin ito, magkaisa at magtulungan sa mga problemang pinagdadaanan ng bawat isa sa organisasyon. Dagdag pa nya, kung bakit nagiging matatag ang Filipino community sa Qatar ay dahil na rin sa mga aktibo at malakas na mga sectoral organizations katulad ng Buhay Tsuper. Hinikayat din ni Ka Ressie na dumalo ang isa o dalawa nilang opisyal sa ikakasang Paralegal Seminar and Workshop ng BMKQ bago magtapos ang buwan ng Disyembre.

Ayon naman kay Mary Jane Perez, pangulo ng Buhay Tsuper, ipagpapatuloy ng kanilang organisasyon ang mga programang kanila ng nasimulan at ginagawa para sa mga kasapi, pag extend ng mga programa para sa Filipino community o iba pang nangangailangan, at buong pagsuporta sa UFOQ bilang umbrella organization ng Filipino community sa Qatar. 

Ang mga bagong opisyal ng Buhay Tsuper ay kinabibilangan nina: 

Founder: Corazon V. Salino
President: Mary Jane N. Perez
Vice-President: Marilou O. Behenia
Secretary: Rocaria C. Macadato
Treasurer: Cristina A. Salazar
PRO: Jocelyn Potenciano and Corazon Agatha R. Panganiban
Auditor: Susan Cabal and Dizza Lynn Schroth
Business Manager: Jesusa A. Bradecena
Adviser: Monica Hementiza
Organizer: Mary Jane Sioco
Graphic Artist: Ma. Alicia C. Mateo and April Rose G. Salut
Administrator: Mary Grace B. Carlos

Photo by SkyLeer Perez (Facebook)Photo by SkyLeer Perez (Facebook)

Photo by SkyLeer Perez (Facebook)Photo by SkyLeer Perez (Facebook)