Bagong Mukha ng PIDC

Written by Ressie Fos - UFOQ Chairman
  • Pinterest

Sabi nga ni Ambassador Alan L. Timbayan sa kanyang talumpati noong opening ng PIDC, 'nilampasan ng PIDC ngayong taon ang mga nakaraang selebrasyon sa kalidad ng preparasyon at laman ng selebrasyon'. Ito naman talaga ay tinutumbok ng mga opisyal at Konseho ng UFOQ 2016-2017 simula sa unang araw pa lang ng kanilang panunungkulan– ang baguhin ang mukha ng PIDC. Tila naging kontrobersiyal ang PIDC sa mga nakaraan dahil dito natutuon ang focus at direksyon ng UFOQ sa halip na sa iba pang programa at proyekto bilang isang institusyon na kaagapy ng Embahada at POLO sa paghahatid ng mga serbisyo sa Filipino community sa Qatar.

Anu-ano nga ba ang mga pagbabagong ginawa ng kasalukuyang UFOQ admin sa PIDC?

  1. Collaboration with other entity. Ang PIDC17 Organizing Committee ay binuo ng piling opisyal ng UFOQ at partner-organization nito – ang Kulinarya Qatar. Dahil subok na rin naman ang Kulinarya Qatar na maayos mag-organize at mamahala ng mga events, kaya’t hindi nagdalawang isip ang mga opisyal ng UFOQ na e tap ang kanilang serbisyo para sa PIDC. Sa ganito ring paraan ay nahihikayat para ilabas ang bagong ideya at itaas ang antas at pamantayan ng kalidad ng selebrasyon.
  2. Hindi lahat ng UFOQ Council Committee ay may hands-on involvement. Dahil nga sa collaboration, kung anong komite lang ang may direktang hands-on sa PIDC preparation ay sila lang ang involve tulad halimbawa ng Ways and Means, Program and Events, at Logistics. Ito ay para hindi maapektuhan ang regular na functions ng mga committees at tuloy-tuloy ang kanilang pagganap sa kani-kanilang obligasyon bilang mga regular na komite ng Konseho. Ito ay dahil sa ang PIDC ay isa sa mga malalaking proyekto lamang ng UFOQ.
  3. Check and Balance. Ang PIDC17 Organizing Committee ay hindi pinanguluhan ng UFOQ Chairman, sa halip itinalaga nya ang UFOQ Vice-Chairman upang panguluhan ito (bilang sya ring Chairman ng Program and Events Committee). Ganun pa man, ang UFOQ Chairman ay may oversight capacity and authority pa rin upang tingnan at tiyakin na ang preparasyon at higit sa lahat ang paggastos ay tama, makatwiran at alinsunod sa panuntunan ng UFOQ. 
  4. Maayos at kontroladong Paggastos. Dahil sa check and balance sa loob pa lang ng Organizing Committee, makikita sa report na makatwiran ang paggastos ng Komite. Halimbawa, kung dati ay umaabot sa hindi bababa sa QR20,000 ang gastos para lamang sa pagkain, sa ngayon gumastos lamang ang UFOQ ng QR 787 para sa pagkain. Wala ring utang at nabayaran lahat ng gastusin.
  5. Tapos kaagad ang Financial Report. Tatlong (3) araw matapos ang PIDC ay may draft Financial Report na kaagad na naihanda ang UFOQ Treasurer. Wala naman talagang rason na matagalan ang Financial Report kung maayos, tama at transparent ang paggastos o pagtanggap ng mga pundo. Ngayong Sabado (July 8) ay magkakaroon ng Close-out Meeting ang PIDC17 Organizing Committee at nang ma-finalize ang Financial Report upang isumite sa UFOQ Council sa susunod ng linggo at maisumite para sa audit.
  6. Hotel Rooms. Di na lumampas sa tatlong (3) rooms ang ginamit (ayon sa UFOQ Financial Policy), pero hindi naman kailangang UFOQ officers ang gumamit ng hotel rooms kundi ito ay pinagamit at binuksan sa mga organisasyong kailangang magtrabaho sa venue hanggang gabi tulad ng mga pag practice, pagpalit ng mga damit, paliligo, pag-secure ng gamit at iba pa. Ang totoo nyan, kahit mismong UFOQ Chairman ay hindi natulog sa hotel.
  7. Tatlong Araw na Selebrasyon. Ginawang tatlong araw ang selebrasyon upang mas mabigyan ng pagkakataon ang mga kababayan nating makilahok, dumalo o mapanood ang programa. Ito rin ay beneficial para sa mga sponsors dahil mas mahaba ang exposure ng kanilang marketing paraphernalia.  Dahil dito, tinatayang umabot sa 19,000 ang bilang ng mga dumalo sa tatlong araw na selebrasyon ng PIDC.
  8. Libreng Seminars. Maliban sa kadalasang serbisyo ng Embahada, POLO, SSS, Pag-Ibig, Medical Mission at iba pa, may mga libreng seminars ang ginanap sa loob ng tatlong araw na selebrasyon. Ito’y magandang pagkakataon sa mga dumalo sa selebrasyon na maliban sa nag-enjoy sa panonood ay nakapag-aral pa ng libre.
  9. Walang Security Exaggeration. Walang exaggeration sa mga VIP o VVIP security na akala e, sobra pa sa PSG ng presidente.
  10. Lakan at Lakambini ng Kalayaan. Isa ito sa bagong mukha ng PIDC na nagdala sa selebrasyon sa iba at mataas na level. Ang Lakan at Lakambini ay magiging Tourism Ambassadors din ng UFOQ upang tulungan ang umbrella organization at Philippine Embassy sa pagpo-promote ng Philippine Tourism dito sa Qatar.  Inaasahan na gaganapin ang Lakan at Lakambini sa taunang selebrasyon ng PIDC.
  11. AFJQ Gawad Parangal para sa Natatanging Overseas Pinoy. Isa rin ito sa bagong mukha ng PIDC na naglalayong kilalanin at parangalan ang mga overseas Filipinos na naging halimbawa at inspirasyon ng tagumpay sa kani-kanilang propesyon at kontribusyon sa Filipino community sa Qatar. Inaasahan din na taunang gaganapin ito at maaari pang damihan ang mga kategoryang pagpipilian.
  12. Live Broadcast.  Bagamat ginanap ang selebrasyon sa loob ng tatlong araw, may mga kababayan pa rin tayong walang tsansang makalabas ng bahay upang dumalo sa venue, pero nakapanood pa rin dahil sa live broadcast hatid ng AFJQ. Ito rin ay bahagi ng documentation para sa kongkretong portfolio ng PIDC upang maging mas marketable ito sa mga sponsors sa susunod na taon. Makikinabang dito ang susunod na liderato ng UFOQ. Ang social media reach ng mga broadcast at promotion ng AFJQ ay aabot ng halos kulang-kulang kalahating milyon.
  13. Walang Entrance Fee. Kung halimbawang naningil ng entrance fee ang UFOQ e.g. QR 10 x 19,000, aba ito ay tumataginting na QR 190,000 – malaking surplus na sana ito ng UFOQ. Subalit ang UFOQ ay naniniwala na ang PIDC ay para sa lahat kung kaya’t dapat hindi na maningil. Naniniwala naman ang mga opisyal ng UFOQ na tutulong at tutulong ang mga kababayan para sa mga programa at proyekto ng UFOQ sa ilalim ng spirit of volunteerism, kung kinakailangan. 
  14. Libre ang PIDC Souvenir Magazine. Bakit nga ba dapat pang ibenta ang souvenir magazine? Kaya ito ay pinamimigay na libre sa ngayong taon. 

 

Challenges

Sa likod ng tagumpay ng ating PIDC17 ay may mga hamon ring kinaharap ang ating organizing committee.

  1. Konti lamang ang Sponsors.  Tila nadala ang mga sponsors sa mga nakaraang selebrasyon ng PIDC kaya nagdalawang isip o tumangging mag sponsor. Ito ang dahilan kung bakit nag invest ang UFOQ na magkaroon ng propesyonal na video coverage and documentation para sa kongkretong marketing portfolio nito sa susunod na taon. Inaasahan na sa susunod, baka mga sponsors na mismo ang lalapit sa UFOQ para magsuporta.
  2. Limited Resources ng mga Participating Organizations. Naniniwala ang mga opisyal ng UFOQ na kung hindi rin dahil sa suporta at partisipasyon ng mga organisasyon, ay hindi magiging matagumpay ang ating PIDC. Kaya nga sumasaludo ang UFOQ sa mga organisasyon at indibidwal na nagparticipate kahit pa sila ay bumunot ng pundo mula sa sarili nilang bulsa bilang bahagi ng kanilang kontribusyon at suporta. Kung sa susunod na taon ay dumami ang mga sponsors at hindi dapat ipagkait sa mga participating organizations ang pundo.

Sa muli, ang tagumpay ng PIDC17 ay tagumpay nating lahat.  Congratulations to all. Mabuhay ang Lahing Pinoy!